Police Station hinagisan ng granada

MANILA, Philippines – Drug syndicate ang sinasabing may kinalaman sa pagpapasabog ng granada sa  isang police station sa Manila Police District, kamakalawa ng gabi sa  Capulong St., Tondo, Maynila.

Ayon kay MPD director Chief Supt. Rolando­ Asuncion, bagama’t ikino­kon­siderang maliit na sindikato lamang ito, hindi naman umano maaaring ipagwalang-bahala ng kapulisan dahil ang grupong ito ang siya ring responsable sa iligal na operasyon ng droga sa lungsod, partikular sa nasabing lugar.

Aniya, nasasagasaan ang mga ito sa kanilang ginagawang anti-illegal drug campaign kaya gumaganti.

Sinabi naman ni  Supt. Raymund Liguden­, hepe ng MPD-Intelligence Division, kinu­kumpirma pa rin  nila ang impormasyon kung  may katotohanan ang pahayag ng isa sa tatlong suspek na  target  pa ng mga ito na hagisan muli ng granada ang MPD-station 1 o Raxabago Police Station.

Ito na ang ikatlong paghahagis ng granada kung saan ang una ay naganap sa Smokey Mountain-PCP na sinundan naman sa harapan ng MPD-Raxabago Station kung saan nadamay ang sasakyan ni Supt. Rolando­ Añonuevo.

Ang ikatlong paghahagis naman ng granada naganap kamakalawa ng gabi pasado alas-11:00 kung saan bahagyang  na­sugatan si PO1 Ranil Bautista matapos na tamaan ng tumalsik na aspalto.

Nag-iwan din ng apat na pulgadang laki ng uka sa kalsada ang pagsabog ng fragmentation grenade at nawasak ang nakaparadang motorsiklo sa likurang bahagi ng himpilan.
Ayon kay Senior Supt. Virgilio Valdez Viloria,  MPD-Raxabago Station, naging mahigpit ang kanyang mga tauhan laban sa laganap na bentahan ng droga sa lugar na posibleng ikinagalit  ng mga nasagasaan.

Sinabi naman ng Explosive and Ordnance­ Division ng MPD, sa kalsada inihagis ang granada dahil protektado na ng lambat ang paligid ng himpilan kasunod ng insidente noong Abril.

Show comments