Helper itinumba ng 2 armado

MANILA, Philippines - Utas ang isang 39-anyos na helper nang pagtulungang barilin  ng dalawang kalalakihan  habang sugatan naman ang isang  vendor na tinamaan ng ligaw na bala, sa Parola Compound, Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Alexander Almoguerra,  ng Area-H,  Gate 56,  Parola Compound, Binondo.

Sugatan naman dahil sa tama ng bala na tumama sa pigi ng ginang na kinilalang si Ruby Barizo   ng Area-C,  Gate 46 ng nasabing lugar.

Inaalam pa kung ano ang motibo at pagkakakilanlan ng dalawang lalaking tumakas na armado ng kalibre 45 at 9MM na pistol. 

Sa ulat ni PO3  Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, pasado  alas -6:00 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa Area-B Gate 46 sa Parola Compound.

Ang biktima ay nakatayo lamang sa lugar nang biglang sumulpot ang mga suspek at agad pinaputukan ito.

Nang humandusay ay iniwan na ito ng mga salarin habang ang ginang naman ay tinamaan ng ligaw na bala. Hinihinalang may kaugnayan sa iligal na droga ang motibo sa pamamaslang.

Gayunman, patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.

 

Show comments