MANILA, Philippines - Limang barker ang binitbit ni Manila Vice Mayor Isko Moreno matapos na mahuli sa aktong nagpapasakay na nagiging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko noong Biyernes sa Morayta, Maynila.
Agad na dinala sa tanggapan ni Moreno ang lima na madalas ding inirereklamo hindi lamang ng mga pasahero kundi mismo ng mga jeepney drivers.
Ayon kay Moreno pinasasakay ng mga ito ang pasahero bagamat naka go signal na nagdudulot naman ng mabagal na daloy ng mga sasakyan.
“Kung stop signal puwedeng magpasakay, pero kung green o go signal na dapat nang palargahin ang mga jeep”, anang bise alkalde.
Paliwanag ni Moreno, hindi naman niya tinatanggalan ng trabaho ang mga barker subalit kailangan ding ipatupad ng mga ito ang disiplina at sistema sa kanilang hanay upang walang maperwisyo.
Sinabi ni Moreno na mas lalaki ang kita ng mga barker kung nasa legal ang mga ito. Nangyayari ang kotongan kung gumagawa ng iligal.
Dagdag pa ni Moreno, handa siyang tulungan ang mga barker gayundin ang mga jeepney drivers subalit kailangan din na tulungan ng mga ito ang city government sa pagpapatupad ng tamang disiplina at kooperasyon.
Nangako naman ang mga barker na aayusin ang kanilang hanay at makikipagtulungan sa mga awtoridad hindi lamang sa trapiko kungdi maging sa mga snatcher at holdaper sa lugar.
Samantala, nagsagawa naman ng follow up operation si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Carter Don Logica kahapon kung saan apat pang barker ang nadakip.
Pinagsabihan din ang mga barker at binigyan ng ultimatum upang ayusin ang kanilang mga lugar.