MANILA, Philippines - Sumuko na sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sinasabing mastermind sa ‘EDSA Hulidap’ matapos na maging viral sa social media at ituro ng iba niyang kasamahan.
Ayon kay CIDG spokesperson Chief Insp. Elizabeth Jasmin ang pagsuko sa Camp Crame ni Sr. Insp. Oliver Villanueva ay upang linisin ang kanyang pangalan matapos na masangkot sa insidente noong nakaraang buwan.
Base sa pahayag aniya ni Supt. Romeo Baleros, hepe ng CIDG- Detective Special Operation Unit, si Villanueva ay dumating sa CIDG office, ganap na alas-8 ng gabi noong Huwebes kasama ang kanyang abogado na si Atty Magnum Agpaoa. Si Villanueva, 38, ang hepe ng intelligence and investigation branch sa La Loma police station sa Quezon City.
Nitong September 1, isang motorista ang nag upload ng larawan sa Twitter na nagpakita ng mga armadong lalaki sakay ng ilang sasakyan na nakapalibot sa isang sport utility vehicle na tila tinatakot ang sakay nito.
Ang insidente ay kalaunan nalamang isang kaso ng robbery at abduction sangkot ang higit sa 10 pulis, karamihan ay nakatalaga sa La Loma police station.
Si Villanueva ang itinuro ng kanyang mga kasamahang pulis na umano’y mastermind sa operation, kung saan ang dalawang biktima ay nawalan ng higit sa halagang P2 million.
Sinabi ni Jasmin na ang CIDG din ang mage-escort kay Villanueva sa sandaling ipatawag na ito sa Mandaluyong City prosecutors’ office para sa preliminary investigation.