Brgy. chairman, hinoldap ng tandem

MANILA, Philippines - Natangay ng armadong riding-in-tandem ang suot na gintong bracelet at kuwintas na nagkakahalaga ng P200 libo at wallet ng isang barangay chairman na mistulang binuska pa ng mga suspect nang  bigyan ng P50 na pakunsuwelo, bago iniwan sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO3 Lester Evangelista ng  Manila Police District-Station 4, habang nakatutok ang baril ng isa sa riding-in-tandem sa biktimang si Virgilio Reyes, 50, chairman ng Brgy. 98, Zone 1, ng Tondo, Maynila, ay inutusan siyang hubarin ang kanyang suot na kuwintas at bracelet at kinuha pa ng mga suspek ang kanyang pitaka.

Dakong alas-9:15 ng gabi nang ma­ganap ang insidente sa panulukan ng Ibarra at  P. Florentino  Sts. sa Sampaloc, habang nakatayo  ang biktima na naghihintay sa ka­ibigan nang dumating ang dalawang suspect sakay ng motorsiklong walang plaka saka tinutukan si Chairman Reyes.

Kinuha ng mga suspect ang bracelet,  kuwintas at maging ang pitaka nito bago nagsitakas.

Bumalik pa ang mga suspect at binigyan pa ng P50 ang biktima para umano pamasahe nito.

Hindi naman nanlaban ang biktima sa takot na siya ay barilin.

 

Show comments