MANILA, Philippines - Muling dumanas ng panibagong aberya ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga bunsod ng nadiskubreng putol na riles.
Ayon kay MRT-3 Officer-In-Charge Renato San Jose, dakong alas-7:45 ng umaga ng Huwebes nang magpatupad ang MRT ng provisional service mula Shaw Boulevard hanggang North Avenue station at balikan, dahil sa putol na riles.
Aniya, unang nagpakita ng truck abnormality ang signaling system kaya pinayuhan nila ang driver ng tren na malapit sa area upang alamin ang eksaktong nangyari doon.
Dito na umano nakita ng driver na may putol na riles sa south-bound lane makaraan ang Boni station.
“Hindi po pwedeng padaanan ng tren (mula Shaw to Taft Avenue) dahil baka madiskaril ang tren, ani San Jose.
Inayos naman aniya kaagad ng mga awtoridad ang sirang riles at idinugtong ito, sanhi upang maibalik ang full line operations mula North Avenue hanggang Taft Avenue pagsapit ng alas-8:40 ng umaga.