MANILA, Philippines – Dalawang tren ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang magkasunod na tumirik, habang bumibiyahe malapit sa Santolan Station, kahapon.
Huminto ang tren ng MRT-3 sa southbound lane, di kalayuan sa tapat ng Gate 3 ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dakong alas-7:30 ng umaga.
Sinasabing nawala pati ang aircon ng tren, na may body number na 20, kaya napilitan na lamang magpaypay ang mga nainitang mga pasahero nito.
Matapos naman ang 15-minuto ay umandar na ring muli ang tren.
Pasado alas-9:00 ng umaga naman nang muling magkaaberya ang isa pang tren sa south-bound malapit sa Santolan station.
Ayon kay MRT-3 officer-in-charge (OIC) Renato San Jose, ang pagtirik ng tren ay dulot ng weaker braking system.
Naramdaman aniya ng operator na mahina ang preno ng tren kaya’t kaagad na pinababa ang mga pasahero sa Santolan station na siyang pinakamalapit na istasyon ng tren sa lugar.
Dinala na rin ang tren sa depot upang matingnan ang naging diperensya nito.