MANILA, Philippines – Dalawa ang patay kabilang ang isang nagrespondeng barangay tanod at ang isang miyembro ng kilabot na “Gapos gang”, habang dalawa pa ang iniulat na nasugatan makaraang mauwi sa barilan ang pagresponde ng grupo ng una sa ginawang pagsalakay ng grupo ng kawatan sa isang pamilyang Filipino Chinese sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawing tanod na si Salvador Nagtalon, miyembro ng Barangay Public Safety Officer ng Brgy. Sto. Domingo sa lungsod.
Habang ang nasawing suspek na walang pagkakakilanlan ay inilarawan sa pagitan ng edad na 20-35, may taas na 5’7’’, at may kapayatan ang pangangatawan.
Sugatan pa ang mga tanod na sina Ambrocio Dalangin at Tercy Parocho na ginagamot ngayon sa Jose Reyes Memorial Hospital.
Isa naman sa mga kasamahan ng suspek na nakilala sa pangalang Freddie Rey, 29, ang nadakip ng awtoridad at isinasailalim ngayon sa imbestigasyon.
Sa ulat nina PO2s Rhic Roldan Pittong at Alvin Quisumbing, mga imbestigador sa kaso, nangyari ang insidente sa loob ng Southern Fragrance Temple na matatagpuan sa Don Manuel Agregado St., Brgy. Sto. Domingo, ganap na alas-5:45 ng umaga.
Ayon kay Pittong, ang naturang templo ay tinutuluyan ng pamilyang Yu Siue Suy, 83, asawang si Adoracion Tan, 71; at anak na si Patricia Anne Yu, 31.
Bago ang insidente, nasa garahe umano si Suy nang dumating ang mga suspek na armado ng baril at tinutukan ang una, saka inutusang pumasok sa loob ng templo at sa ikalawang palapag nito.
Pagsapit sa isang kuwarto, naabutan ng mga suspek ang asawa ni Yu na si Adoracion saka sabay silang iginapos gamit ang straw at tinakpan pa ng tape ang kanilang mga bibig.
Nasa kabilang kuwarto naman ang anak ng mag-asawa na si Patricia at nang marinig ang komosyon buhat sa kabilang kuwarto ay agad na nagteks sa kanyang kapatid na humihingi ng tulong, bago lumabas at makita ito ng mga suspek.
Dito ay tinutukan ng baril si Patricia, saka inutusang dalhin sila nito sa kuwarto kung saan sinimulang limasin ang kanilang mga gamit. Iginapos din ng mga suspek si Patricia, hanggang sa magsipagdatingan ang mga rumispondeng mga miyembro ng BPSO.
Pagpasok sa loob ng templo ng mga BPSO ay pinaputukan sila ng mga suspek, sanhi upang tamaan si Nagtalon at masawi, habang sugatan naman sina Dalangin at Parocho.
Matapos nito, mabilis na nagsipagtakas ang mga suspek, hanggang sa habulin sila ng natitirang kasamahan ng mga BPSO sa pangunguna ni Leonardo dela Cruz. Pagsapit sa Sagada Alley corner P. Tolentino ay nagkahiwalay ang dalawang suspek, kung saan isa sa mga ito ang pumasok sa isang bahay.
Nagresponde si SPO3 Jacobo Miranda, ng DIID naabutan nito ang isa sa mga suspek na tumatakas at habang siya ay papalapit ay pinaputukan siya nito sanhi para gantihan niya ng putok at masawi ang suspek.
Habang ang isang kasamahan ng suspek na si Rey ay nakorner naman ng mga taumbayan at nadakip, saka dinala sa himpilan ng pulisya.
Narekober naman ng awtoridad sa crime scene ang limang basyo ng bala ng kalibre 45 at tatlong tingga nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.