MANILA, Philippines – Posibleng maharap sa kasong kriminal ang isang 21-anyos na call center agent na nagsugod sa pagamutan sa 18-anyos niyang nobya, matapos matukoy na nakunan ito at dinugo dahil sa ipinainom na pampalaglag, sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng umaga.
Nabatid sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, nakaratay sa UERM Hospital ang biktimang itinago sa pangalang “Lelet”, nanunuluyan sa isang boarding house sa Sta. Mesa, at tubong Pampanga.
Dahil naman sa tawag ng nasabing ospital sa tanggapan ng Homicide Section, inimbitahan at isinasailalim sa interogasyon ang boyfriend ng biktima na kinilalang si Michael Constantin, tubong Tarlac at nanunuluyan sa Teresa st., Sta. Mesa, Maynila.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo, may hawak ng kaso, dakong alas-6:00 ng umaga ng makatanggap sila ng tawag mula sa UERM Hospital hinggil sa insidente ng abortion.
Lumilitaw na kamakalawa pa ng gabi isinugod ng suspek ang nobya sa UERM dahil sa hindi mapigilang pagdurugo ng ari.
Nakakuha ng impormasyon sa biktima ang imbestigador na may tablet na ipinainom sa kaniya ang nobyo matapos malaman na buntis siya.
Bukod sa isang pirasong tablet na nainom niya, nilagyan din umano siya ng nobyo mismo sa ari ng dalawang pirasong tablet, na pinaniniwalaang dahilan ng patuloy na pagdurugo ng kaselanan.
Ligtas na sa panganib ang biktima subalit kumpirmadong nalaglag na ang dinadala nito sa sinapupunan.
Sakaling mapatunayan, maaring sampahan ng kasong abortion o paglabag sa Article 258 ng Revised Penal Code.