MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi habang lima ang nasugatan sa banggaan ng dalawang sasakyan sa Bgy. Ugong, Pasig City kamakalawa ng gabi.
Sa pamamagitan ng kanyang driver’s license nakilala ang isa sa mga namatay na si Sonny Cristobal, 45, ng U29 Admiral Townhomes, South Admiral, Parañaque City at Crisanto Boseo na tumilapon sa sasakyan. Ang dalawa ay idineklarang dead on the spot.
Ang mga sugatan naman ay nakilalang sina Wilson Cristobal, 48, kapatid na si Sonny, ng 27 Paltok St., Bgy. Pansol, Balara, Quezon City; Melquiades Saringan, 35; Mary Claire Faune, 35; Jessie Faune, Jr., 35; at anak nitong si Sandra Yvonne Faune, 16, na pawang residente ng U2007 L.E Mirage De Malate Tower 2126 Malate, Manila.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon ni SPO2 Carlito Guillarte, ng Vehicle Traffic Investigation Unit (VTIU) ng Pasig City Police, na dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa northbound lane ng C-5 Road/ Ortigas Fly-Over, sa Bgy. Ugong.
Mabilis umanong tinatahak ng Mitsubishi Pajero (XBR-512), na kinalululanan ng magkapatid na Cristobal, Saringan at Boseo, ang south direction nang mawalan ng kontrol ang
driver nito sa manibela na naging dahilan upang bumangga ang sasakyan sa konkretong poste ng Manila Electric Company (Meralco).
Dahil sa lakas ng impact ay lumipat ito sa northbound direction at bumangga sa paparating na Toyota Fortuner Wagon, na may conduction sticker na YF-8451, na kinalululanan naman ng pamilya
Faune.