MANILA, Philippines - Isang 75-anyos na biyudo ang nagpatiwakal sa pamamagitan nang pagbibigti dahil umano sa sobrang pangungulila sa namayapa niyang asawa, sa loob ng kanyang bahay sa Pandacan, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Felimon Mabeza, ng Lot 5, Block 5, Kahilum 3, Pandacan, Maynila.
Sa ulat ni SPO3 Rodelio Lingcong ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:00 ng hapon kamakalawa nang matuklasan ng manugang na si Raul Boloron na nakabitin ang biyenan sa loob ng kanyang kuwarto, sa ikaapat na palapag ng gusali gamit ang isang nylon cord.
May ilang oras pa lamang umanong inakyatan ng pagkain ng manugang ang biyenan at nang balikan ay nadiskubreng patay na ito at hindi na ginalaw ang pananghalian.
Nabatid na simula noong Pebrero 2014 ay naging malulungkutin ang biktima dahil sa pagpanaw ng misis. Nawalan na rin umano ito ng ganang kumain.(Ludy Bermudo)