Kelot tinangkang pasabugin ang presinto, arestado

MANILA, Philippines - Isang lalaki ang inaresto matapos nitong tangkang pasasabugin ang isang himpilan ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa.

Nakumpiska ang isang granada mula sa suspek na nakilalang si Joel Cuerpo, 40, ng Kapalaran St., San Roque ng naturang lungsod habang pinaghahanap ng mga pulis  ang sinasabing nag-utos dito na si Romeo Calacad.

Nabatid  na nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na inutusan umano si Cuerpo ni Calacad na pasabugin ang Police Community Precinct 2 (PCP)  ng Malabon City Police, na nasa kahabaan ng Gov. Pascual, Brgy.  San Roque ng naturang lungsod na naging dahilan upang atasan ng commander na si Insp. Alan Apa ang mga tauhan nito  na maging alerto.

Alas-3:30 ng madaling-araw nang mapansin ng mga pulis ang suspek na nakatayo sa tapat ng PCP-2 at may dalang granada na naging dahilan upang arestuhin ito.

Binitiwan ng suspek ang dalang granada at mapalad na hindi sumabog kung saan inaresto siya ng mga pulis  Umamin ang suspek na  inutusan lamang umano siya ni Calacad.

Inaalam na ng mga pulis kung ano ang dahilan ni Calacad upang utusan ang suspek na pasabugin ang PCP-2.

 

Show comments