MANILA, Philippines - Isang Pinay at dalawang anak nitong lalaki na nagmula sa bansang Japan ang umano’y nawawala, kamakalawa pa ng gabi sa Pasay City.
Alas-7:00 ng gabi nang magtungo sa Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police si Verlita Perigrino, 51, ng Punta, Sta. Ana, Maynila upang i-report nito na hanggang sa ngayon ay hindi pa dumarating ang kanyang anak na si Susan Iwatsugo, at mga anak nitong sina Yuto at Kaito Iwatsugo, pawang mga Japanese national.
Ayon kay Perigrino, dapat aniya ay narito na ang kanyang anak at mga apo dahil ang dating ng mga ito sa Pilipinas ay noong Setyembre 15 ng taong kasalukuyan mula sa bansang Japan.
Nang sunduin nila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay hindi dumating ang mag-iina. Subalit, sa rekord ng NAIA sa naturang petsa ay dumating sa Pilipinas ang isang Via PR 25 na rito sakay ang mag-iina.
Labis na nag-aalala ang mga kaanak ng mag-iina rito sa Pilipinas kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa lumulutang o tumatawag man lang sa kanila ang anak.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng follow-up at imbestigasyon ang Pasay City Police hinggil sa insidente.