MANILA, Philippines - Nag-isyu na kahapon ng release order ang Taguig City Regional Trial Court (RTC) para sa pansamantalang paglaya ng modelong si Deniece Cornejo matapos nitong mabayaran ang piyansang P.5 million.
Nabatid na mag-aalas-12 kahapon ng tanghali isisyu ng Taguig City RTC Branch 271 ang release order ni Cornejo at muling ibinalik sa Camp Crame para isailalim muna sa pagsusuring medical bago ito pinalaya mula sa kanyang kulungan.
May apat na buwan ding nakakulong sa detention cell ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Camp Crame si Cornejo. Ipinakita ng kampo ni Cornejo sa mga mamamahayag ang kopya ng release order nito.
Nabatid, na noong Lunes, Setyembre 15, nagpalabas ng desisyon ang korte na pinapayagang makapagpiyansa sina Cornejo; Cedric Lee at Simeon Raz kahit ang kaso nilang kinakaharap na serious illegal detention ay non-bailable offense.
Subalit, ilang araw ding naantala ang paglaya ni Cornejo dahil kinumpleto muna nito ang mga dokumento at nangalap muna ng pera ang kampo nito para mabayaran ang halagang P500,000 piyansa nito.
Bukod dito, kahit nakapaglagak na ng piyansa ang kampo ni Cornejo, naunsiyami pa rin ang paglaya nito noong Miyerkules (Setyembre 17) dahil hinintay pa ng Camp Crame kung saan nakakulong ang naturang akusado ang iisyung release order ng korte.
Kahapon nga, Huwebes, Setyembre 18, inisyu na ng Taguig City RTC, Branch 271 ang release order ni Cornejo matapos itong magpiyansa ng naturang halaga sa Pasig City RTC.
Nabatid, na naunang nakapagpiyansa sina Lee at Raz noong Martes (Setyembre 16).
Samantala, pinabulaanan naman ng kampo nina Lee sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Howard Calleja na sinuhulan umano nila ang hukom na may hawak ng kaso nitong serious illegal detention dahil nakapagpiyansa ang mga ito samantalang non-bailable offense ito.
Nabatid, na ang naturang kaso ay dinidinig sa sala ni Judge Paz Esperanza Cortes at base nga sa pitong pahinang resolution, nagpalabas ito ng desisyon na maaari nang maglagak ng piyansa ang grupo nina Lee at Cornejo.
Ang naturang unconfirmed report ay kumalat kaagad sa ilang social media sites na nagsabing nakipagkita umano noon ang abogado ni Lee kay Judge Cortes sa isang malaking hotel sa Maynila at doon ay nagkabayaran umano ng P30 million.
Kung saan agad na nilinaw ni Calleja, na kailanman ay hindi niya nakausap si Cortes sa labas ng korte at walang katotohanan ang akusasyong suhulan.