MANILA, Philippines - Arestado ang isang babaeng ‘tulak’ na nasamsaman ng mahigit isang kilong shabu na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso, kahapon ng hapon sa Pasay City.
Kinilala ang suspek na si Erlinda Sabanal Dienega, “alyas Linda”, 52, ng Apelo Cruz St. Brgy. 152 ng nasabing lungsod.
Ayon kay Supt. Julius Caesar Mana, hepe ng Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force ng Philippine National Police (AIDSOFT) ala-1:00 kahapon ng hapon nang arestuhin si Dienega ng kanyang mga tauhan matapos silang makatanggap ng impormasyon sa kanilang police asset na patungo ng Iloilo ang suspek upang magdala ng droga.
Dahil dito agad na nagsagawa ng anti-drug operation ang mga pulis at nagpanggap ng poseur buyer ang isa sa mga miyembro ng AIDSOFT upang bumili ng shabu.
Nang aktong iaabot na ng suspek ang droga na halagang P2,000 ay agad namang dinakma ito ng mga pulis.
Nakumpiska mula sa suspek ang halos isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.4 million at ang ginamit na marked money.