Rider patay sa traktora

MANILA, Philippines - Utas ang isang 32-anyos na rider nang salpukin ito ng isang traktora, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Dead-on-arrival sa Ospital ng Parañaque ang biktimang  si Deonito Fabiano Sr., ng Lirio Extension, Brgy. CAA, Las Piñas City sanhi ng tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.

Nasa custody naman ng Parañaque City Police detention cell ang suspek na si Elmer Pracullos, 41,  Riverville UPS-5, Brgy. San Isidro ng naturang lungsod.

Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO1 Allan Laverez, ng Parañaque City Police, naganap ang insidente alas-10:00 ng gabi sa kahabaan ng Ninoy Aquino Avenue, harap ng PCP 5, Brgy. San Dionisio ng naturang lungsod.

Nabatid na minamaneho ng suspek na si Pracullos ang isang Isuzu tractor head na may plakang UVM-750 at ga­yundin din ang biktima na minamaneho naman ang Honda motorcycle na may plakang UJ-3701 nang magkasalpukan.

Dali-daling isinugod ng isang grupo ng rescue team ang naturang biktima sa nasabing ospital, subalit hindi na ito umabot­ pang buhay, samantalang nadakip naman ng pulisya ang suspect.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente at inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting to homicide laban kay Pracullos.

Show comments