MANILA, Philippines - Sa kabila ng nakapaglagak na kahapon ng P.5 milyong piyansa ang model na si Deniece Cornejo kaugnay sa kinakaharap na kasong serious illegal detention na isinampa ng actor/ TV host na si Vhong Navarro ay naunsiyami naman ang paglaya nito makaraang magkulang ang requirements para sa kanyang release order.
Nakapaglagak na rin ng kalahating milyong piyansa kahapon ang model ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Cornejo, isang fiscal ang maagang nakaalis sa kanyang tanggapan kaya hindi napirmahan ang kanyang clearance sa piskalya.
Nauna rito, naglagak si Cornejo ng cash bond na P500,000 na kanilang inilagak sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).
Ani Topacio, hindi agadnaisaayos at nakumpleto ang mga kinakailangan na dokumento ni Cornejo kaya naiwan siya sa paglaya kamakalawa nina Cedric Lee at Zimmer Raz na kapwa akusado sa kaso.
Inihayag pa ni Topacio, nakahanda ang kanyang kliyente na harapin ang
mga kaso na isinampa ni Navarro.
Lubos din nagpapasalamat ang kampo ni Cornejo kay Judge Paz Esperanza Cortes ng Taguig RTC Branch 271 dahil kinatigan ang kanilang apila na makapagpiyansa.
Dismayado naman ang kampo ni Navarro sa development ng kanyang isinampang kaso laban sa mga akusado na sinasabing responsable sa pambubugbog sa kanya.