MANILA, Philippines – Nalambat na ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa pagpatay sa isang pulis at pagkakasugat ng isa pa nitong kasamahan noong 2011.
Kinilala ni QCPD director Chief Supt. Richard Albano, ang suspek na si Sangkad Batalion, 47, vendor, ng Block 37, Lot 30, Brgy. North Fairview sa lungsod. Ayon kay Albano, ang suspek ay matagal nang tinutugis dahil sa arrest warrant sa kasong homicide at frustrated homicide na inisyu ni Judge Aurora Hernandez-Calledo ng RTC Branch 87.
Nadakip si Batalion makaraang makatanggap ng impormasyon si QCPD Criminal Investigation and Detection Unit Chief Insp. Rodel Marcelo na ito ay pagalagala sa may kahabaan ng Quirino Highway kung saan nang tunguhin ang lugar ay doon nadakip ang suspek sa harap ng Sacred Hearth Market, Brgy. Greater Lagro, sa lungsod.
Narekober kay Batalion ang isang granada.
Sinasabing si Batalion kasama ang isang Teddy Mala, alyas Tago ang responsable sa pagpatay kay PO2 Bernard Quintero at pagkakasugat ni PO2 Jessie Adajar nang isagawa ang operasyon ng mga huli laban sa mga iligal na nagbebenta ng paputok sa may Adrian St., corner Bayer St., Fairmont Subdivision, North Fairview, noong December 29, 2011.
Sabi pa ni Albano, si Batalion ay miyembro din umano ng ‘Alsaid Mindalano’ at ‘Mohammad Walad Mautin Group’ na naging tanyag matapos ang pamamaril sa Fairview noong nakaraang May 11, 2014.