Deniece bigong makapagpiyansa; Cedric, Raz, laya na!

Si Deniece Cornejo matapos eskortan ng mga tauhan ng CIDG makaraang dumalo sa bail hearing sa Taguig Regional Trial Court matapos ngang aprubahan ng korte na makapaglagak sila ng piyansa. (Kuha ni Boy Santos)

MANILA, Philippines – Nakalabas na ng bilangguan sina Cedric Lee at Simeon “Zimmer” Raz kahapon ma­tapos na maglagak ng piyansang tig-P500,000 kaugnay ng kinaka­harap na kasong serious illega­l detention dahil sa pambubugbog sa actor/TV host na si Ferdinand “Vhong” Navarro.

Ayon kay Atty. Howard Calleja, abo­gado nina Lee at Raz, naghain sila ng cash bond sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).

Kaagad namang inis­yuhan ng release order ng Taguig RTC sina Lee at Raz at pinayagang pansamantalang makalaya matapos na makumpleto at maayos ang lahat ng kinakailangang dokumento.

Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay nananatili pa rin sa kustodiya ng Camp Crame ang kapwa akusado ng dalawa na si Deniece Cornejo na bigong makakuha ng release order dahil hindi pa na­aayos ang mga kina­kailangang dokumento.

Dakong ala-1:50 ng hapon nang eskortan ng mga awtoridad sina Raz at Lee sa Taguig City Regional Trial Court Branch 271 para sa pag-proseso ng kanilang release order.

Laking pasalamat naman ng kampo ng da­lawa nang ganap nang makalaya.

Tiniyak rin ni Calleja na hindi tatakas ang kanyang kliyente at pa­tuloy na makikiisa sa pagdinig sa kaso.

Samantala, tiniyak naman ng kampo ni Navarro na hindi pa tapos ang kaso at naghain ng apela sa desisyon ng hukuman na payagang magpiyansa ang tatlong akusado.

Naghain rin si Atty. Alma Mallonga, abo­gado ni Navarro, ng motion for inhibition laban kay Taguig City Regional Trial Court Branch 271 judge Paz Esperanza M. Cortes.

Ang mga naturang mosyon ay diringgin sa Setyembre 19.

Show comments