MANILA, Philippines - Maaari nang makalaya pansamantala sina Cedric Lee at Deniece Cornejo sa kasong serious illegal detention na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro.
Ito’y matapos katigan ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) ang hirit ng mga itong makapagpiyansa kasama ang isa pang akusadong si Simeon Raz bagama’t itinuturing na non-bailable offense ang kanilang kaso.
Batay sa 72-pahinang desisyon ni Branch 271 Judge Paz Esperanza Cortes na ibinahagi ni Axel Gonzales, abogado ni Cornejo na nabigo ang prosekusyon na patunayang nagkaroon ng serious illegal detention.
Tig-P500,000 ang inirekomendang piyansa sa mga akusado.
Hindi pa naman masabi ni Gonzales kung kailan makapaglalagak ng piyansa ang tatlo pero anya, “So far, masaya naman sila because at least ’yung contention nila from the start na mabigyan sila ng bail was granted by the court.”
Una nang kinumpirma ng abogado rin ni Cornejo na si Atty. Sal Panelo ang naging desisyon ng korte, na pinaalam din aniya ito sa kanila ng abogado nina Lee at Raz.
Samantala, ang kampo naman ni Navarro, wala pa ring natatanggap na kopya ng resolusyon at aminado naman si Atty. Alma Mallonga, abogado ni Navarro, na masama ang kanilang loob sa ulat lalo’t ginawa naman aniya nila ang lahat para umusad ang naturang kaso.
Nakatakda silang maghain ng motion for reconsideration sakaling makumpirma ang desisyon ng korte at matanggap na nila ang resolution nito.
Matatandaan na kinasuhan ni Navarro ang grupo nina Lee at Cornejo ng serious illegal detention matapos siyang pagtulungang gulpihin nito noong Enero 23, 2014 sa condominium ni Cornejo sa Taguig City.