MANILA, Philippines - Kukuwestiyunin sa hukuman ng grupo ng mga motorcycle riders ang Mandaluyong Ordinance No. 550 na nagbabawal sa mga lalaking magkaangkas sa motorsiklo, upang mabawasan ang mga krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem.
Ayon sa Motorcycle Rights Organization, diskriminasyon at labag sa karapatang pantao ang ordinansa na sinimulang ipatupad noong Setyembre 4.
Alinsunod sa ordinansa, hindi pahihintulutan ang mga lalaking driver na magsakay ng kapwa lalaki bukod sa anak o tatay nito basta’t maiprisinta ang valid ID.
Wala namang problema kung babae ang magkaangkas sa motorsiklo o di kaya’y isang babae at isang bata.
Nais ng grupo na maipatigil ang pagpapatupad ng kautusan at maibalik din ang lahat ng siningil na multa sa mga una nang nahuli na lumabag sa ordinansa.
Giit nila, hindi ganitong klaseng batas ang kailangan upang mahuli ang mga riding-in-tandem kundi police visibility at puspusang checkpoint.