MANILA, Philippines - Sa darating na Lunes, (Setyembre 1) magpapatudad na ng ‘one truck lane policy’ sa kahabaan ng C-5 matapos ang inaprubahang resolusyon ng Metro Manila Council (MMC) Special Traffic Committee.
Isasagawa ngayong umaga ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang test-run para sa ipapatupad na polisiya sa lugar.
Layunin pa rin itong maibsan ang patuloy na lumalalang problema ng trapiko sa kahabaan ng C-5 dulot na rin ng tumataas na bilang ng mga sasakyan na dumadaan dito.
Sa inaprubahang resolusyon, ipapatupad ang one truck lane policy simula sa September 1 hanggang Enero 31 ng susunod na taon.
Sa ilalim ng truck hours, gagamitin lamang ng mga trucks ang innermost lane sa kahabaan ng C-5 at mahigpit na sundin ang one-lane policy.
Upang higit na magiging epektibo ang implementasyon ng one-truck lane policy, ang u-turn slots sa kahabaan ng C-5 ay isasara na maliban ang mga nasa ilalim ng flyovers habang bukas naman ang signalized intersections.
Walang oras sa buong araw na payagan ang mga containers trucks na pumarada sa alinmang kalsada sa C-5.
Ang mga trucks na sumuway sa one-truck lane policy ay huhulihin at pagmumultahin ng P2,000, na katumbas ng kaparusahan sa truck ban violation.
Bukod dito, irerekomenda ng MMDA ang blacklisting ng mga trucking company. Dahil dito, kabuuang pitong U-turn slots sa C-5 ang isasara ng MMDA. Habang 70 traffic enforcers at auxiliaries ang ikakalat upang mangasiwa ng sitwasyon ng trapiko sa lugar.