MANILA, Philippines - Anumang oras ay ilalabas ng Bureau of Immigration ang look-out bulletin laban kay Dahlia Guerrero Pastor, misis ng pinaslang na car racer champion na si Ferdinand Enzo Pastor.
Ito naman ang inihayag ni Justice Secretary Leila de Lima kung saan sinabi nito na hinihintay na lamang nila ang formal request mula sa National Bureau of Investigation upang maisailalim si Dahlia sa look-out bulletin ng BI.
“As of now, she’s a person of interest. Hinihintay ko lang ang official request. Ready ako anytime to release the immigration LBO against the wife and even against the other two respondents, the alleged mastermind and the gunman,” ani De Lima.
Sinabi ni De Lima na kahit walang LBO, nakaalerto na umano ang mga tauhan ng BI sakaling magtangka si Dahlia na lumabas ng bansa.
Paliwanag ni De Lima, bagama’t hindi mapipigil ng LBO ang paglabas ng bansa ng mga suspek na si Domingo de Guzman at Dahlia maaari namang gamitin ito ng korte.
“Kung aalis siya, it’s an indication of flight, an indication na ine-evade niya iyong kaso. Puwede nating ipasok sa obstruction of justice iyon,” dagdag pa ni De Lima.
Aniya, hindi naman sila makapaglabas ng warrant arrest dahil kailangan na munang hintayin ang resulta ng inquest.
Nagsimulang mag-isyu ng LBO ang Bi noong 2011 bunsod na rin ng restraining order mula sa Supreme Court na nagbabawal sa Bi na maglabas ng watch list orders.
Ang LBO ay iba sa hold departure order. Layon lamang ng LBO na imonitor ang isang indibiduwal at hindi para pigilan ito na makalabas ng bansa.