MANILA, Philippines - Onsehan sa droga ang tinitingnang anggulo ng Manila Police District sa pamamaril sa mag-live-in partner na ikinasawi ng lalaki at ikinasugat naman ng malubha ng babae, kamakalawa ng gabi sa Quiapo, Maynila.
Dead-on-arrival sa Mary Chiles Hospital si Eduardo Manoloto, ng Miguelin St., Sampaloc, Manila dahil sa limang tama ng bala ng baril sa katawan. Tatlong tama naman ng bala ng baril ang natamo ni Rosie Guinto, 36. Ang dalawa ay kapwa ginagamot sa Ospital ng Maynila.
Ayon kay MPD homicide chief, Chief Insp. Steve Casimiro, onsehan sa droga ang anggulo na kanilang tinitingnan lalo pa’t talamak ang bentahan ng droga sa lugar.
Batay naman sa report ni Det. Marlon San Pedro, dakong alas-7:30 ng gabi nang naganap ang pamamaril sa isang barung-barong sa panukulan ng Nepomuceno at Arlegui Sts. Quiapo, Maynila.
Naglalakad ang dalawa patungo sa isang lugar kung saan umano may kakatagpuin subalit biglang inabutan ng malakas na ulan dahilan upang sumilong ang mga ito sa isang barung-barong nang lapitan sila ng suspek at walang sabi-sabing pagbabarilin.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan sa suspek na armado ng di nabatid na baril at tumakas matapos ang insidente.