Dahil sa tambak na reklamo 2 towing trucks, 4 personnel suspendido

MANILA, Philippines - Dahil sa sunud-sunod at tambak na reklamo, sinuspinde ni Manila Vice Mayor Isko Moreno ang dalawang  tow trucks ng RWM Towing Services at  apat na tauhan nito.

Ayon kay Moreno, ang patung-patong na reklamo ay indikasyon ng pang-aabuso ng towing trucks ng RWM at mga tauhan nito sa  mga may-ari ng sasakyan.

Aniya, nagpadala na siya ng direktiba kay Manila  Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Carter Don  Logica na isuspinde “indefi­nitely” ang dalawang tow trucks ng RWM at apat na mga tauhan nito.

Binigyan diin ni Moreno na hindi nila tino-tolerate ang ganitong mga gawain kung kaya’t nakiki­usap sa mga motorista na  agad na  ireport  sa kanyang tang­gapan ang  mga pang-aabuso.

Giit ni Moreno, nagtayo siya ng OVM Complaint Desk sa kanyang opisina na siyang didinig at mag-iimbestiga sa mga naabuso ng mga na­sabing tow trucks.

Nilinaw naman ng bise alkalde na hindi lahat ng hinihila ng mga tow trucks ay iligal dahil mahigpit lang talaga ang pagpatupad nila na wala dapat “obstruction” sa mga kalye.

Paliwanag ni Moreno, batay sa polisiya ni Manila Mayor Joseph Estrada, hinihigpitan nila ang mga obs­truction subalit hindi umano ito dahilan upang gamitin sa panggigipit sa motorista.

Nakiusap din ang bise  alkalde sa RWM towing at iba pang pribadong towing company sa Maynila na ingatan ang mga nahilang sasakyan na lumabag sa batas trapiko. Dapat aniya  ay handa  ang  RWM na managot kung sakaling sampahan sila ng kaso tungkol dito.

May mga reklamo ring  na­wawala ang ilang mga piyesa   at gamit sa sasakyan sa sandaling naimpound.

Show comments