Preso tinarakan ng kapwa preso
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang preso matapos itong saksakin ng kapwa nito inmate dahil sa dating alitan sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kamakalawa.
Ginagamot ngayon sa NBP Hospital ang inmate na si Jainor Voluntate, may kasong murder at nakakulong sa 3D2 at miyembro ng Happy Go Lucky Gang sanhi ng tinamong limang saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan .
Inilagay naman sa preventive cell si Jose Balinas Jr., miyembro rin ng nasabing gang at may kasong homicide.
Sa report na natanggap ni NBP officer-in-change, Supt. Robert Rabo, naganap ang insidente alas-3:00 ng hapon habang kalalabas lamang umano sa klase ni Voluntate sa alternative learning system, nang salubungin ito ni Balinas at sabay na inundayan ng saksak.
Duguang bumagsak si Voluntate at dinala kaagad sa nabanggit na pagamutan, samantalang si Balinas ay kaagad namang nasakote ng mga nakatalagang prison guard.
Paghihiganti umano ang motibo ni Balinas dahil may dati na silang alitan ni Voluntate at madalas umanong nagkakaasaran ang mga ito. Sumasailalim naman sa imbestigasyon ang nakatalagang prison guard, kung bakit naipasok sa naturang bilangguan ang balisong na ginamit ni Balinas samantalang ipinatutupad dito ang mahigpit na seguridad.
- Latest