Agawan sa pasahero, tricycle driver, dedo

MANILA, Philippines - Todas ang isang tricycle driver makaraang pagsasaksakin ng kapwa tsuper nito sa gitna ng kanilang away dahil sa agawan sa pasahero, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Agad na nasawi dahil sa maraming tama ng saksak sa katawan ang biktimang si Jose Umbaga, 47, residente ng naturang lungsod habang  tumakas na ang suspek na nakilalang si Mamerto Regal, residente naman ng Del Mundo St., Gracepark, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Caloocan Police, una umano sa pila sa kanto ng 4th Avenue ang biktima dakong alas-7 ng umaga lulan ng kanyang motorsiklo nang may dumating na pasahero.

Ngunit agad na siningitan ang biktima ng bagong dating na suspek sanhi upang ma­inis si Umbaga.

Sinigawan ng biktima ang suspek at kinompronta hanggang sa magkasagutan ang dalawa at maghamunan. Dito naglabas ng kanyang dalang patalim ang suspek at pinagsasaksak si Umbaga.

Huli na nang masaklolohan ang biktima ng mga opis­yal ng barangay at pulisya makaraang masawi dahil sa pagkaubos ng dugo.

Pinaghahanap naman ngayon ang suspek.

Show comments