Lady trader, itinumba ng tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang ginang makaraang barilin ng riding in tandem habang ang una ay nakatayo sa kanyang sari-sari store sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si Marilou Otayde, 43, ng  Senatorial St., Brgy. Batasan Hills sa lungsod.

Ayon kay PO2 Rhic Pittong, ang mga suspek ay  sakay sa kulay itim na motorsiklo na walang plaka ay mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.

Nangyari ang insidente sa may loob ng sari-sari store ng biktima ganap na alas-10:15 ng umaga.

Ayon sa anak ng biktima na si Mark, nakatayo umano siya malapit sa lugar nang makarinig ng malalakas na putok ng baril mula dito.

Nang kanyang lingunin ay nakita niya ang isang armadong suspek na sumakay sa naghihintay na kasamahang nasa motorsiklo at nagsilbing look out saka mabilis na tumakas.

Sa kabilang banda, ang biktima naman ay isinugod sa Quezon City General Hospital ng kanyang mga kaanak, pero idineklara din itong patay.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. Blangko pa rin ang pulisya sa motibo ng krimen.

 

Show comments