MANILA, Philippines - Halos magkalasug-lasog ang katawan ng isang lalaking Singaporean na manager ng isang kompanya matapos itong magpatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-22 palapag ng isang condominium sa Taguig City kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Quiao Sheng Zhang, 28, branch manager ng Trinco Inc.-BPO Company (isang business process out sourcing company), na matatagpuan sa Makati City at nakatira sa Room 22-D Crescent Park Residences Condominium sa 30th St. panulukan ng 2nd Avenue, Bonifacio Global City (BGC), Taguig City.
Base sa report na nakarating kay Senior Supt. Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig City Police, naganap ang insidente alas-4:29 ng madaling-araw sa ika-22 palapag sa naturang condominium sa mismong unit ng nasawi.
Bago naganap ang pagpapatiwakal ng biktima, tumawag muna ito sa ilang kaibigan na hindi nabanggit ang mga pangalan, na ayon dito ay tatapusin na niya ang kanyang buhay at ipaalam na lamang sa kanyang mga magulang ang kanyang sinapit.
Mula sa 22nd floor ay tumalon ito na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Hindi pa mabatid kung ano ang posibleng dahilan sa pagpapatiwakal ng dayuhan.