MANILA, Philippines - Timbog ang dalawa umanong drug pusher matapos na makuhanan ng tatlong pakete ng shabu at isang patalim sa magkahiwalay na anti-illegal drug operation ng mga otoridad sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Wilfredo Tuzon, alyas Willy Putakte, 52, at Jefferson Peña, alyas Butchoy, 35.
Ayon kay Chief Supt. Richard Albano, director ng Quezon City Police District, ang mga suspek ay nadakip ng mga operatiba ng District Anti-Illegal Special Operation Task Group (DAIDSOTG) at tropa ng Police Station 9 sa magkahiwalay na anti-illegal drug operation sa Brgy. Tatalon at Brgy. Vicente.
Si Tuzon ay nadakip sa buy-bust operation sa kanyang lugar, alas- 6:30 ng gabi kung saan nakuha mula sa kanya ang dalawang tea bag ng shabu.
Habang si Pena naman ay nadakip sa kahabaan ng University Lane ng Brgy. San Vicente ng nagpapatrulyang tropa ng PS8 matapos na makuhanan ng isang plastic sachet ng shabu at patalim.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.