MANILA, Philippines - Arestado ang isang kawatan makaraang manlaban ang isang Koreana na estudyante ng College of St. Benilde-De La Salle na kanyang inagawan ng cellphone, kamakalawa ng gabi sa Taft Ave. Manila.
Nakakulong ngayon sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang suspect na si Francisco Antonio, 34, ng Malate,Maynila matapos ireklamo ng biktimang si Youn Su Kum, 18 , ng Malate,Maynila.
Ayon kay P/Chief Insp. Arsenio Riparip, hepe ng MPD-GAIS, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi habang nakatayo ang biktima sa harap ng DLSU gate at hawak ang kanyang cellphone na Samsung S4 nang bigla itong hablutin ng suspek.
Nanlaban umano ang biktima na nakatawag ng atensiyon sa mga guwardiya na siyang humabol sa suspek hanggang sa naaresto. Katwiran naman ng suspek, manganganak ang kanyang asawa at caesarian kaya’t kailangan niya ang panggastos sa hospital.
Itinurn-over ng mga Security guard na sina William Bautista at Rodrigo Golfo ang suspek sa MPD-Police Station 9 na siyang nagdala sa MPD-GAIS.