Ret. cop nagbaril sa sarili?

MANILA, Philippines - Isang retiradong pulis ang hinihinalang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo sa loob ng kanyang pag-aaring Tamaraw FX sa lungsod Quezon.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang biktima ay nakilalang si Antonio Alipio, 54, at residente ng Pin­kian­ Village 3, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.

Sa imbestigasyon ni PO3 Victor Guerrero, alas-7:30 ng gabi nang matagpuan ng kanyang pamilya ang biktima habang duguang nakahandusay sa loob ng nakaparadang Tamaraw FX (CND-594) na kanilang pag-aari sa harap ng kanilang bahay.

Bago ito, umalis umano ang pamilya ng nasawi para magsimba kung saan tanging ang huli ang naiwan sa kanilang bahay.

Pagbalik ng pamilya nito, hindi nila nakita ang biktima sa loob ng kanilang bahay kung kaya hinanap nila ito hanggang sa masumpungan sa loob ng nasabing sasakyan at wala nang buhay.

Agad nilang ipinagbigay alam ang insidente sa awtoridad para sa kaukulang pagsisiyasat. Sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), narekober sa lugar ang isang kalibre .9mm na baril na may magazine na may limang bala at isang basyo nito sa lugar.

Lumitaw din sa cursory examination na ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo na tumagos sa likurang bahagi nito na siya niyang ikinamatay. Sa kasalukuyan, suicide ang anggulong tinitignan ng otoridad habang patuloy ang imbestigasyon ukol dito.

Show comments