MANILA, Philippines - Nilabag umano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang direktiba ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagtatayo ng mga “integrated bus terminals” makaraang payagan muli umano ang mga provincial buses na makapasok ng Metro Manila.
Ito naman ang binigyan diin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino kasabay ng pagkuwestiyon sa inilabas na “memorandum circular” ng LTFRB na nagpapayag sa mga provincial buses at mga AUV (asian utility vehicles) taxis” ng wala umanong konsultasyon sa kanya bilang hepe ng MMDA at maging sa mga alkalde ng Metro Manila na siyang bumubuo sa Metro Manila Council (MMC).
Ayon kay Tolentino, hindi pa umano siya pormal na pinapadalhan ng kopya ng naturang memorandum ngunit nabasa niya ito sa pamamagitan ng kopya na naibigay sa isa niyang opisyal.
Sa bagong memorandum ng LTFRB, nangangamba si Tolentino na lalo pang titindi ang buhol-buhol na trapiko hindi lang sa EDSA ngunit sa iba pang parte ng Kamaynilaan.
Kailangan din umanong linawin ng LTFRB ang kanselasyon ng pagbabawal sa mga “out of line” dahil sa ikinukunsidera ng MMDA na “kolorum” ang mga sasakyan na “out of line”.
“Sa integrated bus terminal, mataas na policy ito. Hindi maaaring baguhin ng isang ahensya ng pamahalaan ang direktiba galing sa Office of the President,” ani Tolentino.
Idinagdag pa ni Tolentino na wala namang nadadagdag na bagong kalsada sa Metro Manila para gumawa ng mga bagong ruta dahil sa pawang “reblocking” lamang ang ginagawa.