Tauhan ng MMDA, kakalat sa SONA

MANILA, Philippines - Tutulong ang puwersa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ikinasang ‘Super Task Force Kapayapaan’ ng  National Capital Region Police Office (NCRPO) na magmamantina sa kaayusan at seguridad para sa State of the Nation  Address­ (SONA) ni Pangulong NoyNoy Aquino  sa darating na Hulyo 28.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, sila aniya ang tututok sa pagmementina sa daloy ng trapiko sa mga lugar  na dadaanan ng Pangulo patungong Batasan Complex sa Quezon City.

Nabatid sa MMDA na may mga isasara umanong kalsada at may ipapatupad silang traffic re-routing. Dahil na rin sa kilos-protesta na  ilulunsad ng militanteng grupo sa araw ng SONA ay asahan na umano ang pagdudulot nito ng trapiko.

Sinabi pa ni Tolentino, magiging katuwang lamang sila ng kapulisan upang masiguro ang maayos na takbo ng trapiko.

Una nang sinabi ni  NCRPO Chief  Di­rector Carmelo Valmoria na nakatakda silang makipagdiyalogo sa mga militanteng grupo na nagpaplanong maglunsad ng kanilang protesta sa araw ng SONA.

Mahalaga umano na magkaroon ng diyalogo upang maiwasan ang anumang kaguluhan.

Tiniyak ni Valmoria na ipapatupad nila ang maximum tolerance ngunit nilinaw nito na mayroon din mga limitasyon na dapat igalang at tupdin ng mga raliyista.

Show comments