Granada natagpuan sa Maynila

MANILA, Philippines - Masuwerteng hindi agad sumabog ang isang granada na natagpuang wala na umano ang ‘pin’ na inihagis sa tapat ng isang condominium malapit sa isang unibersidad sa Taft Avenue, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni  Manila Police District-Explosive Ordnance Division chief,  C/ Insp Arnold Santos, dakong alas- 7:00 ng gabi nang respondehan nila ang isang tawag hinggil sa nakitang granada sa harapan ng Victoria de Manila Condominium  malapit sa Philippine Christian University , sa Taft  Avenue at panulukan ng Pedro Gil St., Ermita.

Sakaling sumabog umano ang nasabing granada, ma­aaring magtamo ng pinsala ang mga taong nasa 12 hanggang 15 metro ang lapit.

Sinabi ng isang Artemio Galvez, 67, naglilinis siya sa labas ng gusali  ay nakita niya ang granada kaya ipinaalam ito kay Chairwoman Arlene Divi­nagracia ng Brgy. 696 Zone 76, Malate na siyang nagreport sa pulisya.

Agad na isinara ang magkabilang lane  at agad nagtungo si MPD Director General Rolando Asuncion sa lugar habang  abala naman ang EOD team sa pagdisrupt sa nasabing granada. Pinasabog na lamang umano ang granada upang hindi na makapaminsala dahil wala na itong pin.

Nauna rito, kamakalawa umano ng  gabi ay natagpuan din ang granada sa tapat ng nasabing condominium.

Masusing iimbestigahan kung sino ang responsable sa paghahagis ng granada at ang isa pang nakuhang iniwan sa nasabing condominium.

Posibleng may tinatakot o may sadyang puntirya ang suspek sa paglalagay ng granada sa naturang lugar.

Show comments