MANILA, Philippines - Isang negosyanteng ginang ang dinukot umano ng kanyang sariling mister, kamakalawa sa Pasay City.
Kinilala ang biktimang si Ma. Rosario “Jinky” Pangilinan, 42, nakatira sa Block 7, Lot 4, Saint Catherine Village, Paranaque City.
Ang suspek na mister naman ay nakilalang si Mel Pangilinan.
Base sa naging salaysay nina Rowena Palwa, 40, dalaga, isa ring negosyante at ng mag-asawang Conrado at Marlyn Rabang, pawang mga kaibigan ng biktima sa tanggapan ni Police Chief Inspector Angelito De Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-5:30 ng hapon at alas-6:00 ng gabi sa harapan ng isang coffe shop na matatagpuan sa Blue Wave Complex, Macapagal Boulevard, Pasay City.
Ayon kay Palwa, nalaman lamang niya ang insidente matapos tumawag sa kanyang cellphone ang isa pa nilang kaibigan na si Jay Salaguste, Special Investigator 3, ng Anti-Cyber Crime ng National Bureau of Investigation (NBI) na dinukot umano si Ma. Rosario ng mister nitong si Mel.
Nabatid pa kay Palwa bago naganap ang pagdukot at pagtawag ni Salaguste, tumawag muna sa kanyang cellphone ang biktima, na ayon dito ay nasa Starbucks Coffee ito kaya’t kaagad na pinuntahan nina Palwa at mag-asawang Rabang si Ma. Rosario sa naturang lugar at nagbabakasakali sila na maabutan pa nila ang biktima.
Subalit, naabutan na lamang ng mga ito ay ang inabandonang Toyota Fortuner na pag-aari ng biktima na nakaparada sa parking area sa naturang lugar.
Ayon sa Scene Crime Operations (SOCO), ng Southern Police District (SPD), nang kanilang inspeksiyunin ang loob ng Toyota Fortuner ang nakita lamang nila dito ay ang mahahalagang gamit, dokumento at cash na nagkakahalaga ng P50,000.00.
Napag-alaman pa rin sa ilang guwardyang nakatalaga sa ilang establisimento ng Blue Wave Complex, napansin nga nila ang isang babae na kahalintulad sa description ni Ma. Rosario, na nag-aabang ito ng taxi at sumisigaw na “hayaan mo na ako! pabayaan mo na ako! at huwag mo na akong pakialaman!”
Patuloy ang isinasagawang follow up operations ng pulisya at NBI.