MANILA, Philippines - Isinusulong ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang sandbagging project sa bawat barangay ngayong panahon ng tag-ulan na kadalasang nagreresulta nang pagbaha sa Kalakhang Maynila.
Paniwala ni MMDA Chairman Francis Tolentino, malaki umano ang maitutulong nito upang maiwasan na malubog sa tubig-baha ang mga kabahayan kapag bumuhos ang malakas na ulan o kaya’y kapag may bagyo.
Sinabi nitong kung maaari ang bawat bahay ay magtabi o magtago ng 10 sandbags na maaring gamitin sa pagpigil sa tubig.
“Gusto kong institutionalize yung sandbagging in every barangay at least 10 sandbags for every houses in flood prone areas,” dagdag pa ni Tolentino.
Partikular pa rin na pinaaalalahanan ni Tolentino ang mga barangay na kabilang sa 22 flood prone areas, na dapat umanong magtago ang mga ito ng 50 sandbags na siyang maaring gagamitin upang maibsan ang tubig baha sa kanilang lugar.
Dahil dito, humingi na rin ng tulong si Tolentino sa mga construction companies na kung maaari ay mag-donate ng kanilang buhangin para sa gagawing sandbagging project dahil ito aniya ay para naman sa kapakinabangan ng lahat.