MANILA, Philippines - Patay ang isang 58-anyos na laborer nang mahulog habang nagpuputol ng mga sanga ng mangga na sinalanta ng bagyong Glenda, mula sa 20 talampakang taas ng gusali sa Malate, Maynila, kamakalawa.
Idineklarang patay sa Ospital ng Maynila (OSMA) dakong alas-5:00 ng hapon ang biktimang si Ruben Beraquit, ng Marinig, Cabuyao, Laguna, nang mahulog mula sa rooftop ng United Methodist Mission House sa J. Bocobo St., Malate.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-9:30 ng umaga nang umakyat ang biktima at ilang kasamahang laborer sa bubungan ng nasabing gusali upang pagpuputulin ang mga nasirang sanga ng puno ng mangga.
Isang paa ng biktima ang nakatapak sa bubong habang ang isa ay nakatapak umano sa sanga nang biglang mawalan ng balanse at biglang bumulusok.
Una ang ulo nang bumagsak sa konkretong kalsada ang biktima.
Naisugod naman kaagad ito sa pagamutan pero hindi na rin naisalba ang buhay dahil sa matinding pinsalang tinamo.