No. 1 most wanted sa Navotas, arestado

Ang no. 1 most wanted sa Navotas na si Ronel Ocampo Estose­ na na­sukol ng mga tauhan ng Navotas City police sa pinaglunggaan nito sa Malabon.

MANILA, Philippines - Nadakip na ng mga ta­uhan ng Navotas City Police ang number 1 most wanted na kriminal sa lungsod makaraang masukol at maihain ang warrant of arrest nito sa pinagtataguang bahay sa Malabon City, kahapon ng tanghali.

Nakilala ang nadakip na si Ronel Ocampo Estose, 25, naninirahan sa Sampaguita Street, Brgy. Longos, Malabon.

Sa ulat, dakong alas-12:15 ng hapon nang ma­dakip si Estose ng mga tauhan ng Warrant Section at Intelligence Unit ng Navotas City Police. Hindi na nakapalag si Estose nang agad siyang mapalibutan at posasan ng mga umarestong pulis.

Isinilbi laban sa suspek ang warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court Branch 124 Judge Celso Magsino, Jr. dahil sa kasong murder at frustrated murder.

Ito ay makaraang maituro itong pumaslang sa traffic enforcer na si Elvis Roxas at malubhang sumugat kay Arthur Luzuriaga sa isang insidente noong 2011 sa may Lapu-Lapu cor. M. Naval Street sa Navotas.

 

Show comments