MANILA, Philippines - Ipaghaharap na ng kaso ngayong araw na ito, kaugnay sa Anti-Hazing Law ang may 20 katao na sinasabing sangkot sa hazing na ikinasawi ng De La Salle-College of St. Benilde na si Guillo Cesar Servando sa Makati City Prosecutor’s Office.
Naudlot kahapon ang paghaharap ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) kung kaya ngayon ito pormal na isasampa.
Kabilang sa kakasuhan ang apat na babae at maging ang dalawang naunang sumukong suspek.
Sinabi ni Atty. Pete Principe, legal counsel ng pamilya Servando, nasa 15 umano sa mga suspek ay pawang may tiyak nang identity habang 5 ang kilala lamang sa mga ginamit na alyas.
Naniniwala si Atty. Principe na malakas ang kaso laban sa mga ito.
Aniya, ang mga babaeng sangkot ay pawang hindi naman umano nagpartisipa sa pagpalo sa biktima noong isagawa ang initiation rites subalit may kinalaman sila sa nagaganap na hazing.
Ang mga sumuko naman umano na kapwa miyembro ng Tau Gamma Phi, na ang una ay sa tanggapan ni Justice Secretary Leila de Lima at ikalawa ay ang kamakalawa ng hapon na sumuko sa NBI-Death Investigation Division ay hindi pa rin ligtas sa nasabing kaso.
Kabilang sa mga kakasuhan sina Cody Errol Morales; Danile Paul Martin Bautista, alyas “Pope”; Kurt Michael Almazan; Luis Solomon Arevalo, alyas “Louie”; Carl Francis Loresca, alyas “Emeng”; Hans Killian Tatlong Hari, alyas “Hans Tumaneng”; Jomar Pajarito, Eleazar III Pablico, alyas “Trex”; John Kevein Navoa; Vic Angelo Dy; Mark Ramos; Mike Castañeda, alyas “Rey Jay”, alyas “Kiko”, Tessa Dayanghirang at Yssa Valbuena.
Samantala, ikinatuwa ng pamilya Servando ang mahusay na pagtutulungan ng mga awtoridad kaya umusad ang kaso laban sa mga sangkot sa hazing.
Kabilang sa pinasasalamatan ng pamilya, partikular ni Mr. Aurelio Servando, ang NBI, Makati Police at Manila Police District.
Kumbinsido siya na matibay ang kasong isasampa laban sa mga suspect.
Aniya, nakakita na siya ng liwanag ng hustisya sa kaso ng anak.
Pero umaasa umano siya na hindi gaanong magiging masalimuot at mahaba ang tatahakin ng kaso para ganap nang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak.