MANILA, Philippines - Hindi lamang sa trapiko magagamit ang command center ng Maynila kundi maging sa iba’t ibang kalamidad na darating sa bansa.
Ito naman ang tiniyak ni Manila Vice Mayor Isko Moreno kung saan sinabi nito na malawak na ang scope ng Emergency Response Assistance Program (ERAP).
Ayon kay Moreno, sa command center madaling makikita kung saan ang lugar sa Maynila ang apektado ng kalamidad tulad ng bagyo, pagbaha at lindol. Ito aniya ang dahilan ng pagsasagawa ng city-wide drill noong Martes upang mabigyan ng paghahanda ang mga residente at establisimyento sa lungsod sakaling mangyari ang pananalasa ng bagyo, lindol lalo na ng tsunami.
Inirekomenda din ng bise alkalde ang pagda-download ng Go! Manila application sa mga cellphones para sa traffic at emergency situation.
Una na ring sinabi ni Manila Mayor Joseph Estrada na handa na ang Manila Disaster Risk Reduction Management Council sa pamumuno ni Johnny Yu sa mga kalamidad sa tulong ng mga makabagong emergency equipment.
Nais ni Estrada na dagdagan pa ang mga kagamitan upang mas madali ang pagliligtas sa mga biktima.
Ayon naman kay Yu, bagama’t paghahanda pa rin ang pinaka-epektibong paraan upang makaligtas sa anumang uri ng kalamidad.
Aniya, ang city-wide drill ay paalala lamang sa lahat lalo pa’t wala namang pinipili ang kalamidad.
Sinabi din ni Yu na handa na ang mga tauhan ng command center maging ang MDRRMC sa mga kalamidad.