MANILA, Philippines - Umapela kahapon kay Immigration Commissioner Siegfred Mison ang Korean Association in the Philippines (KAP) na ibasura ang deportation complaint na isinampa ng isang law firm laban sa Korean businessman na may 27 taon nang nagnenegosyo sa bansa.
Ayon sa KAP dapat na umanong idismiss ang deportation petition laban kay Korean Kang Tae Sik ng Tan Federis and Associate Law Office dahil sa umano’y pagiging malisyoso at vindictive nang tapusin ni Kang ang serbisyo ng nasabing law firm.
Lumilitaw na maliban sa deportation complaint, nagsampa din ang naturang law firm ng estafa laban kay Kang sa National Bureau of Immigration (NBI) at sa Department of Justice.
Batay sa kanyang affidavit kay Mison, sinabi ni Kang na ang law firm ay consultant at business adviser sa kanyang export-import company, Korean food at beverage, na nakabase sa Parañaque City, sa loob ng 10 taon.
Nakakuha umano ng mga importante at sensitibong dokumento ang law firm hanggang sa magdesisyon si Kang na tapusin ang serbisyo ng law firm.
Kasunod nito ay nalaman na lamang ni Kang na mayroon na ring export-import business ng Korean goods ang nasabing law firm na kanyang kakompetensiya sa negosyo. Sinabi ni Kang na mayroon siyang clearance mula sa NBI, updated travel documents, working visa at identification cards issued na inisyu ng BI.