3 ‘Laglag candy gang’, timbog

MANILA, Philippines - Tatlong pinaniniwalaang miyembro ng ‘Laglag candy gang’ na nambibiktima  ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan ang nadakip ng pulisya,  kahapon sa Pasay City.

Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell ang mga suspek na sina Ruel Bautista, alyas Kokoy , 44; Rolly Jugar, 30 at Mark Tacao, 22.

Sa report na nakarating sa tanggapan ni  Chief Inspector Angelito De Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch, Pasay City Police, Hunyo 25, 2014 sa panulukan ng EDSA Extension at Roxas Boulevard ng naturang lungsod  nagsagawa ng kanilang modus operandi ang mga suspek sa isang pampasaherong jeep.

Istilo ng mga ito ang maglaglag ng kendi o barya na pagtutuunan ng pansin ng mga pasahero na iyon ang kanilang sasamantalahin kung saan isasagawa ang pangungulimbat ng cellphone, mga pitaka at mga alahas sa mga pasahero na kadalasa’y mga estudyante at em­pleyado.

Dahilan ito upang magsagawa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa mga miyembro ng sindikato.

Matapos ang isang linggong pagmamanman, kahapon ay nadakip ng mga pulis ang tatlong suspek sa naturang lugar.

Nakumpiska sa mga ito ang iba’t  ibang uri ng patalim na hinihinalang ginagamit nila sa kanilang operasyon.  

 

Show comments