Ex-traffic enforcer, dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Utas ang isang dating traffic enforcer makaraang patraydor na pagbabarilin ng riding-in-tandem suspect sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Si Arne Facundo, 31, ay nagawa pang maitakbo sa ospital pero hindi na rin umabot ng buhay, ayon kay SPO1 Cris Zal­darriaga, may-hawak ng kaso.

Nangyari ang insidente malapit sa bahay ng biktima, ganap na alas-10:40 ng gabi. Ayon sa ulat, kasalukuyang gumagamit ng kanyang cellphone ang biktima nang sumulpot mula sa likuran nito ang mga suspek sakay ng motorsiklo saka sunud-sunod na pinagbabaril ang biktima.

Matapos ang pamamaril, agad na humarurot patakas ang mga suspek patungong Congressional Avenue, habang ang biktima naman ay isinugod ng kanyang kaanak sa Quezon City General Hospital, subalit idineklara rin itong dead-on-arrival.

Narekober sa lugar ang pitong basyo ng kalibre 45 sa lugar. Blangko pa ang pulisya sa motibo sa krimen habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol dito.

Show comments