4-anyos patay sa silver cleaner

MANILA, Philippines - Patay ang isang 4-anyos na batang lalaki matapos na aksidente umano nitong mainom ang silver­ cleaner solution na nakalagay sa isang boteng plastic­ kamakailan sa Pasay City.

Sa naantalang report na nakarating sa tanggapan ng Pasay City Police kahapon, kinilala ang nasawi na si Rheven Mendoza, ng D. Santiago St., Pasay City na idineklarang dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital.

Sa report na nakarating sa tanggapan ni Senior Supt. Florencio Ortilla, hepe ng Pasay City Police sa pamamagitan ng pahayag ng ina ng biktima na si Romela Mendoza, 27, naganap ang insidente alas-7:11 ng umaga noong Sabado, Hulyo 21 sa loob ng kanilang sari-sari store sa nabanggit na lugar.

Ayon kay Romela, natagpuan niyang unconscious ang kanyang anak sa loob ng kanilang tindahan dahilan upang dali-dali niya itong dalhin sa nabanggit na ospital, subalit hindi na nakarating ng buhay.

Nabatid kay Dr. Reginaldo Panopio, ikinamay ng bata ay sanhi ng cyanide ingestion, na pinanini­walaang nakainom ito ng silver cleaner solution.

Sinabi ng ina ng bata sa mga pulis na may hinala siya na aksidenteng nainom ng kanyang anak ang naturang silver cleaner solution na nakalagay sa isang boteng plastic.

Isasailalim ang biktima sa autopsy at patuloy pa ring iniimbestigahan ang naturang insidente.

 

Show comments