Pulis na babagsak sa performance rating, sisibakin

MANILA, Philippines - Binalaan kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Ge­neral Alan Purisima ang mga opisyal at tauhan ng PNP partikular na ang mga Police Commander na gawin ng maayos  ang kanilang trabaho kung hindi ng mga ito nais masibak sa puwesto.

Ito’y matapos mabahala si Pangulong Benigno Aquino sa lumalalang mga insidente ng kriminalidad kaya inutusan ang PNP na lutasin ang serye ng mga pamamaslang.

Kabilang sa kriminalidad na ikinaalarma ni PNoy ay ang pamamaslang sa business tycoon na si Richard King at car racer Enzo Ferdinand Pastor na pinaslang sa magkakahiwalay na insidente noong Araw ng Kasarinlan ( Hunyo 12).

“He (Purisima) ordered to step-up the manhunt against the perpetrators of King and Pastor and at the same time hasten the investigation of both cases,”ayon naman kay PNP Spokesman Sr. Supt Wilben Mayor .

Si King, President ng Crown Regency Group of Hotels at Vital Health Products ay pinagbabaril sa gusali ng Vital C sa Davao City dakong alas-6:45 ng gabi noong nakalipas na linggo.

Samantalang si  Pastor, 32 -anyos ay lulan ng truck habang ibinibiyahe ang race car sa Clark, Pampanga bilang pag­hahanda sa final leg ng Asian V8 Championship sa susunod na buwan nang tambangan ng mga armadong salarin sa pa­nulukan ng Congressional at Visayas Ave­nues  sa Quezon City.

Ayon kay Chief Supt. Reuben Sindac, Chief ng PNP Public Informa­tion Office na hindi  mangi­ngimi si Purisima na sibakin sa puwesto ang mga tauhan at opisyal nito lalo na ang mga hepe na babagsak sa Individual Performance Card (IPC) sa pagsugpo sa kriminalidad sa ka­nilang nasasakupan.

Show comments