MANILA, Philippines - Umaasa ang hepe ng Manila Civil Registry na si Joey Cabreza na hindi na dadanasin ng kanyang mga tauhan ang pagpapatuyo ng mga dokumento sakaling dumating ang malakas na ulan at bahain ang lugar.
Ayon kay Cabreza, ito ang dahilan kung kaya’t patuloy ang kanilang ginagawang pagsasaayos sa lugar kasabay ng pagbibigay ng mabilis na pagpoproseso ng mga papeles.
Matatandaan na pinatutuyo ang mga nabasang dokumento sa pamamagitan ng pagbibilad sa araw, hair dryer, bentilador at plantsa.
Aniya, sa kanilang bagong sistema madali na lamang makukuha ang mga dokumento mula marriage, death at birth certificate.
Paliwanag ni Cabreza, dapat lamang na gawing mabilis ang sistema at proseso upang mabilis din ang transaksiyon at hindi na paghihintayin pa ng matagal ang mga kumukuha.
Kamakailan ay inilunsad ni Cabreza ang ‘one stop shop’ upang sa iisang lugar na lamang magpa-file, magbabayad at kukunin ang kanilang mga kailangang dokumento.