Babaeng Chinese sugatan sa holdap

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang babaeng Chinese national na kakarating pa lamang sa bansa matapos na hatawin sa ulo nang manlaban sa  taxi driver na  nangholdap sa kanya sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay Supt. Danilo Pecaña, hepe ng QCPD Station 12, ang biktima ay kinilalang si Chen Jun, 44, na ginagamot ngayon  sa Quirino Memorial Medical Center.

Lumilitaw sa imbestigasyon na nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Katipunan Avenue, alas-5 ng madaling-araw.

Sinasabing kararating lamang ng biktima sa bansa, para makipagkita sa kanyang boyfriend na nasa Dau, Pampanga.

Mula airport ay sumakay siya sa Sir Anthony Taxi (UVZ-437) at nagpahatid sa Five Star terminal sa Cubao para sumakay naman ng bus patungong Pampanga.

Pero pagsapit sa nasabing lugar, bigla umanong nagdeklara ng holdap ang taxi driver saka hinablot ang bag ng biktima. Subalit nanlaban ang biktima, kung kaya napilitan ang driver na paluin siya sa ulo ng tire range na ikinasugat nito.

Samantala, dahil sa komosyon, bumangga ang taxi sa gutter ng bangketa kung saan nagpasyang tumakas ang driver nito dala ang bag ng biktima na naglalaman ng pera, cellphone, camera at mga credit card.

Napuna naman ng mga tauhan ng MMDA ang duguang biktima habang naglalakad sa kalye at itinakbo ito sa nasabing ospital para malapatan ng lunas.

Iniimbestigahan na ng awtoridad ang insidente lalo na ang pagkakakilanlan ng taxi driver na responsable nito.

Show comments