Lolo, todas sa tandem

MANILA, Philippines - Isang 70-anyos na lolo ang nasawi nang ambusin  ng riding-in-tandem habang ang una ay bumibili ng ulam sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Valentino­ Pilapil, ng Algeciras St., Sampaloc, Manila sanhi ng tama ng bala ng baril sa mukha. Inaalam naman ng pulisya ang pagka­kakilanlan sa suspek na magkaangkas sa motorsiklo na tumakas matapos ang insidente.

Sa report ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-11:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa harapan ng isang karinderya sa Simoun St., Sampaloc, Manila.

Nabatid na bumibili ng ulam sa na­sabing karinderia  ang biktima nang duma­ting ang mga suspek, tumigil sa harapan ng una at walang sabi-sabing binaril ito.

Nang matiyak ng mga suspek na patay na ang biktima ay pinaharurot ang sina­sakyang motorsiklo at tumakas.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo sa pagpatay at kung ang biktima  ang  tunay na pakay.

 

Show comments