Obrero utas sa boga

MANILA, Philippines - Hindi na natuloy ang pagpasok sa trabaho ng 34-anyos na construction worker nang barilin sa ulo ng hindi pa kilalang salarin, habang naglalakad palabas ng kanilang bahay, sa Port Area, Maynila, kama­kalawa.

Dead on the spot ang biktimang si James Bautista, residente ng no. 101 Block 8, Baseco Compound, Port Area.

Mabilis umanong tuma­kas ang suspek na inilarawan na nasa edad na 35-40, may taas na 5’7 hanggang 5’8, nakasuot ng itim na t-shirt, at green na jacket. 

Ayon sa live-in partner ng biktima na si Emily Tinebroso, dalawang linggo na umano  niyang nakikita  na  nagpupunta sa  kanilang bahay ang  suspek.

Sa ulat ni PO3 Dennis Turla ng Manila Police District-Homicide Section, alas -6:00 ng umaga nitong Sabado nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima.

Mismong ang biktima lang umano ang nakakakilala sa suspek dahil narinig pa ng live-in partner ng biktima na si Emily ang sinabi sa suspek na “Pare saka ka na lang bumalik, hindi kita mahaharap nga­yon dahil me pasok ako.”

Kasunod nito ay putok ng baril kung saan nakitang duguan ang biktima.

Wala naman umano alam si Tinebroso kung ano ang pinag-uusapan ng biktima at suspek tuwing  pumupunta ang  huli sa bahay ng una.

Duda ang pulisya na may kaugnayan sa iligal na droga ang motibo ng pamamaslang.

 

Show comments